6 At ang hari ay nagsabi sa akin, (ang reina ay nakaupo naman sa siping niya,) Magiging gaano kalaon ang iyong paglalakbay? at kailan ka babalik? Sa gayo'y nalugod ang hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kaniya ng panahon.
7 Bukod dito'y sinabi ko sa hari, Kung ikinalulugod ng hari, bigyan ako ng mga sulat sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y dumating sa Juda;
8 At isang sulat kay Asaph na tagapagingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga kahoy na magawang mga tahilan sa mga pintuang-daan ng kastillo na nauukol sa bahay, at sa kuta ng bayan at sa bahay na aking papasukan. At pinagkalooban ako ng hari ayon sa mabuting kamay ng aking Dios na sumasa akin.
9 Nang magkagayo'y pumaroon ako sa mga tagapamahala sa dako roon ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Sinugo nga ako ng hari na may kasamang mga punong kawal ng hukbo at mga mangangabayo.
10 At nang mabalitaan ni Sanballat na Horonita, at ni Tobias na lingkod, na Ammonita, ay namanlaw na mainam, sapagka't may naparoong isang lalake upang hanapin ang ikagagaling ng mga anak ni Israel.
11 Sa gayo'y naparoon ako sa Jerusalem, at dumoon akong tatlong araw.
12 At ako'y bumangon sa kinagabihan, ako, at ilang lalake na kasama ko; ni hindi ko man isinaysay sa kanino man kung anong inilagak ng aking Dios sa aking puso na gawin sa ikagagaling ng Jerusalem: wala rin namang anomang hayop na kasama ako, liban sa hayop na aking sinasakyan.