1 At ang buong bayan ay nagpipisan na parang isang lalake sa luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig; at sila'y nangagsalita kay Ezra na kalihim, na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises, na iniutos ng Panginoon sa Israel.
2 At dinala ni Ezra na saserdote ang aklat ng kautusan sa harap ng kapisanan, na mga lalake at mga babae, at lahat na makadidinig na may kaalaman nang unang araw ng ikapitong buwan.
3 At binasa niya roon sa harap ng luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig, mula sa madaling araw hanggang sa katanghaliang tapat sa harapan ng mga lalake at mga babae, at ng makakaalam: at ang mga pakinig ng buong bayan ay nakikinig sa aklat ng kautusan.
4 At si Ezra na kalihim ay tumayo sa pulpitong kahoy, na kanilang ginawa sa panukalang ito; at sa tabi niya ay nakatayo si Mathithias, at si Sema, at si Anaias, at si Urias, at si Hilcias, at si Maasias, sa kaniyang kanan; at sa kaniyang kaliwa, si Pedaias, at si Misael, at si Malchias, at si Hasum, at si Hasbedana, si Zacharias, at si Mesullam.
5 At binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagka't siya'y nasa mataas sa buong bayan;) at nang kaniyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:
6 At si Ezra ay pumuri sa Panginoon, na dakilang Dios. At ang buong bayan ay sumagot: Siya nawa, Siya nawa, na may pagtataas ng kanilang mga kamay: at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo, at nagsisamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.
7 Si Jesua naman, at si Bani, at si Serebias, at si Jamin, si Accub, si Sabethai, si Odias, si Maasias, si Celita, si Azarias, si Jozabed, si Hanan, si Pelaia, at ang mga Levita, ay nangagpakilala sa bayan ng kautusan; at ang bayan ay nakatayo sa kanilang dako.