1 At si Noemi ay may kamaganak ng kaniyang asawa, isang mayamang makapangyarihan, sa angkan ni Elimelech; at ang pangalan niya'y Booz.
2 At sinabi ni Ruth na Moabita kay Noemi, Paparoonin mo ako ngayon sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa likuran niyaong aking kasumpungan ng biyaya sa paningin. At sinabi niya sa kaniya, Yumaon ka, anak ko.
3 At siya'y yumaon at naparoon, at namulot sa bukid sa likuran ng mga mangaani: at nagkataong dumating sa bahagi ng lupa na nauukol kay Booz, na sa angkan ni Elimelech.
4 At, narito, si Booz ay nanggaling sa Bethlehem, at nagsabi sa mga mangaani, Ang Panginoo'y sumainyo nawa. At sila'y sumagot sa kaniya, Pagpalain ka nawa ng Panginoon.
5 Nang magkagayo'y sinabi ni Booz sa kaniyang lingkod na kaniyang katiwala sa mga mangaani, Sinong babae ito?
6 At ang lingkod na katiwala sa mga mangaani ay sumagot at nagsabi, Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Noemi na mula sa lupain ng Moab:
7 At kaniyang sinabi, Isinasamo ko sa iyong pamulutin mo ako, at papagtipunin sa likuran ng mga mangaani sa gitna ng mga bigkis. Sa gayo'y naparoon siya at nagpatuloy, sa makatuwid baga'y mula sa umaga hanggang ngayon, liban sa siya'y nagpahingang sangdali sa bahay.