18 Sapagkat nabalitaan ko, una sa lahat, na tuwing nagtitipon-tipon kayo bilang iglesya, nagkakaroon kayo ng pagkakapangkat-pangkat, at medyo naniniwala ako na iyan nga ang nangyayari.
19 Kinakailangan sigurong mangyari iyan para malaman kung sino sa inyo ang mga tunay na mananampalataya.
20 Kapag nagtitipon kayo upang ipagdiwang ang Banal na Hapunan, hindi tama ang ginagawa ninyo,
21 dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy busog at lasing na, at ang iba namaʼy gutom.
22 Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang iglesya ng Dios at hinihiya ang mga mahihirap. Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko? Purihin kayo? Aba, hindi!
23 Ito ang turo na ibinigay sa akin ng Panginoon, at itinuturo ko naman sa inyo: Noong gabing traydurin ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay,
24 at pagkatapos niyang magpasalamat sa Dios, hinati-hati niya ito at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”