13 Lagi rin kaming nagpapasalamat sa Dios dahil nang tanggapin nʼyo ang pangangaral namin, tinanggap nʼyo ito hindi bilang salita ng tao, kundi bilang salita ng Dios na kumikilos sa buhay ninyong mga sumasampalataya.
14 Mga kapatid, ang mga nangyayari sa inyo ay tulad din ng nangyayari sa mga iglesya ng Dios sa Judea na nakay Cristo Jesus. Kung anong paghihirap ang dinaranas nʼyo sa kamay ng mga kababayan nʼyo, ito rin ang paghihirap na dinaranas nila sa kamay ng kapwa nila Judio.
15 Silang mga Judio ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta noon. Sila rin ang mga taong umuusig sa amin. Hindi nalulugod ang Dios sa ginagawa nila, at maging ang lahat ng taoʼy kinakalaban nila.
16 Hinahadlangan nila ang pangangaral namin ng salita ng Dios sa mga hindi Judio na siyang ikaliligtas ng mga ito. Dahil dito, umabot na sa sukdulan ang mga kasalanan nila at hahatulan na sila ng Dios.
17 Mga kapatid, nananabik na kaming makita kayong muli, kahit sandali pa lang kaming nawalay sa inyo. Nawalay nga kami sa katawan, pero hindi sa isipan.
18 Gusto naming bumalik diyan sa inyo, lalung-lalo na ako, si Pablo. Maraming beses naming binalak na dalawin kayo pero hinadlangan kami ni Satanas.
19 Gusto naming bumalik, dahil walang ibang nagbibigay sa amin ng pag-asa at kagalakan kundi kayo. Hindi baʼt kayo rin ang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesu-Cristo sa pagbabalik niya?