4 Kinakailangan na ang mga ito ay gwapo, malusog, matalino, mabilis kumilos at madaling turuan para maging karapat-dapat maglingkod sa hari. Inutusan din niya si Ashpenaz na turuan sila ng wika at mga panitikan ng mga taga-Babilonia.
5 Iniutos din ng hari na mula sa kanyang sariling pagkain at inumin ang ibibigay sa kanila araw-araw. At pagkatapos ng tatlong taong pagsasanay, maglilingkod na sila sa kanya.
6 Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria na pawang mula sa lahi ni Juda.
7 Pinalitan ni Ashpenaz ang kanilang mga pangalan. Si Daniel ay pinangalanang Belteshazar, si Hanania ay Shadrac, si Mishael ay Meshac, at si Azaria ay Abednego.
8 Pero ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain ng hari o iinom ng kanyang inumin para hindi siya marumihan. Kaya nakiusap siya kay Ashpenaz na huwag siyang bigyan ng pagkain at inuming iyon.
9 Niloob naman ng Dios na siyaʼy kalugdan ni Ashpenaz.
10 Pero sinabi ni Ashpenaz kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.”