Daniel 11:2-8 ASND

2 “Sasabihin ko sa iyo ngayon ang katotohanan: Tatlo pang hari ang maghahari sa Persia. Ang ikaapat na hari na susunod sa kanila ay mas mayaman pa kaysa sa mga nauna. Sa pamamagitan ng kanyang kayamanan, magiging makapangyarihan siya, at susulsulan niya ang ibang kaharian na makipaglaban sa Grecia.

3 Pagkatapos, isa pang makapangyarihang hari ang darating. Maraming bansa ang kanyang sasakupin, at gagawin niya ang gusto niyang gawin.

4 Kapag siyaʼy naging makapangyarihan na, mawawasak ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na bahagi ng daigdig, pero hindi ang kanyang mga angkan ang maghahari dito. Ang mga haring papalit sa kanya ay hindi makakapamahala tulad ng kanyang pamamahala. Kukunin ang kanyang kaharian at ibibigay sa iba.

5 “Ang hari ng timog ay magiging makapangyarihan. Pero isa sa kanyang mga heneral ay magiging mas makapangyarihan kaysa sa kanya. At sa bandang huli, ang heneral na ito ay maghahari rin at magiging makapangyarihan ang kaharian niya.

6 Pagkalipas ng ilang taon, magsasanib ang dalawang kahariang ito, dahil ipapaasawa ng hari ng timog ang anak niyang babae sa hari ng hilaga. Pero hindi magtatagal ang kapangyarihan ng babae pati ang kapangyarihan ng hari ng hilaga. Sapagkat sa panahong iyon, papatayin ang babae at ang kanyang asawaʼt anak, pati ang mga naglilingkod sa kanya.

7 “Sa bandang huli, maghahari sa timog ang kapatid ng babae. Siya ang papalit sa kanyang ama. Lulusubin niya ang mga sundalo ng hari ng hilaga at papasukin ang napapaderang lungsod nito, at magtatagumpay siya sa labanan.

8 Dadalhin niya pauwi sa Egipto ang mga dios-diosan nila at mga mamahaling ari-arian na yari sa ginto at pilak. Sa loob ng ilang taon, hindi na siya makikipagdigma sa hari ng hilaga.