Daniel 11:27-33 ASND

27 “Ang dalawang haring ito ay magsasama pero pareho silang magsisinungaling at mag-iisip ng masama laban sa isaʼt isa. Pareho silang hindi magtatagumpay sa kanilang binabalak laban sa isaʼt isa. At magpapatuloy ang labanan nila dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon.

28 Ang hari ng hilaga ay uuwi sa kanyang bayan dala ang maraming nasamsam na kayamanan mula sa digmaan. Pero bago siya umuwi, uusigin niya ang mga mamamayan ng Dios at ang kanilang relihiyon. At pagkatapos ay saka siya uuwi sa sarili niyang bayan.

29 “Sa takdang panahon ay muli niyang lulusubin ang kaharian sa timog, pero ang mangyayari ay hindi na katulad ng nangyari noon.

30 Sapagkat lulusubin siya ng hukbong pandagat mula sa kanluran. At dahil dito, uurong siya at babalik sa kanyang bayan. Ibubunton niya ang kanyang galit sa mga mamamayan ng Dios at sa kanilang relihiyon, pero magiging mabuti siya sa mga tumalikod sa kanilang relihiyon.

31 “Uutusan ng hari ng hilaga ang kanyang mga sundalo na lapastanganin ang templong napapalibutan ng pader. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam na bagay na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo.

32 Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga tumalikod sa kanilang relihiyon para gumawa ng hindi mabuti. Pero lakas-loob siyang lalabanan ng mga taong tunay na tapat sa Dios.

33 “Ang mga taong nakakaunawa ng katotohanan ay magtuturo sa maraming tao, pero uusigin sila sa loob ng ilang araw. Ang ilan sa kanila ay papatayin sa pamamagitan ng espada o susunugin, at ang ilan ay bibihagin o kukunin ang kanilang mga ari-arian.