Daniel 4:19-25 ASND

19 Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Belteshazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, “Belteshazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.” Sumagot si Belteshazar, “Mahal na Hari, sana ang iyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa iyo.

20 Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo,

21 na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga,

22 ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan nʼyo ay abot hanggang langit, at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.”

23 Sinabi pa ni Daniel, “Nakita nʼyo rin, Mahal na Hari, ang isang anghel na bumaba mula sa langit na sumisigaw, ‘Putulin ninyo ang punongkahoy pero hayaan ninyo ang tuod nito sa lupa na natatalian ng bakal at tanso. Hayaang mabasa ng hamog at kakain kasama ng mga hayop sa gubat sa loob ng pitong taon.’

24 “Mahal na Hari, ito po ang ibig sabihin ng pangitaing niloob ng Kataas-taasan na Dios na mangyari sa inyo:

25 Itataboy kayo at ilalayo sa mga tao at maninirahan kayong kasama ng mga hayop sa gubat. Kakain kayo ng damo tulad ng baka at palagi kayong mababasa ng hamog. Pagkatapos ng pitong taon, kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.