15 Ipinatawag ko na ang marurunong, pati na ang mga engkantador, para ipabasa at ipaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyon sa pader, pero hindi nila ito nagawa.
16 Nabalitaan kong marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga pangyayari at kaya mo ring lutasin ang mabibigat na mga problema. Kung mababasa mo at maipapaliwanag ang kahulugan ng nakasulat na iyan, pabibihisan kita ng maharlikang damit at pasusuotan ng gintong kwintas. At gagawin kitang pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
17 Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng regalo; ibigay nʼyo na lamang sa iba. Pero babasahin ko pa rin para sa inyo ang nakasulat sa pader at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito.
18 “Mahal na Hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay ginawang hari ng Kataas-taasang Dios. Naging makapangyarihan siya at pinarangalan.
19 Dahil sa kapangyarihang ibinigay ng Dios sa kanya, ang mga tao sa ibaʼt ibang bansa, lahi at wika ay natakot sa kanya. Nagagawa niyang patayin ang sinumang gusto niyang patayin. At nagagawa rin niyang huwag patayin ang gusto niyang huwag patayin. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas, at ibinababa niya sa tungkulin ang gusto niyang ibaba.
20 Pero siya ay naging mayabang at nagmataas, kaya pinaalis siya sa kanyang tungkulin bilang hari,
21 at itinaboy mula sa mga tao. Naging isip-hayop siya. Tumira siya kasama ng mga asnong-gubat at kumain ng damo na parang baka. Palaging basa ng hamog ang kanyang katawan. Ganoon ang kanyang kalagayan hanggang kilalanin niya na ang Kataas-taasang Dios ang siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin.