5 Walang anu-anoʼy may nakitang kamay ang hari na sumusulat sa pader ng palasyo malapit sa ilawan.
6 Dahil dito, nanginig at namutla ang hari sa tindi ng takot.
7 Kaya sumigaw siya na ipatawag ang marurunong sa Babilonia: ang mga salamangkero, mga astrologo, at mga manghuhula. Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang makabasa ng nakasulat na iyan at makapagpaliwanag ng kahulugan ay bibihisan ko ng maharlikang damit at pasusuotan ko ng gintong kwintas. At siyaʼy magiging pangatlong pinakamataas na pinuno sa aking kaharian.”
8 Lumapit ang mga marurunong upang basahin ang nakasulat sa pader. Pero hindi nila kayang basahin o maipaliwanag sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya lalong natakot at namutla si Haring Belshazar. Litong-lito naman ang isip ng kanyang marangal na mga bisita.
10 Nang marinig ng reyna ang kanilang pagkakagulo, lumapit siya sa kanila at sinabi, “Mabuhay ang Mahal na Hari! Huwag kang matakot o mag-alala,
11 dahil may isang tao sa iyong kaharian na nasa kanya ang espiritu ng banal na mga dios. Noong panahon ng iyong amang si Haring Nebucadnezar, ang taong ito ay nagpamalas ng kanyang karunungan tulad sa karunungan ng mga dios. Ginawa siya ng iyong ama na pinuno ng mga salamangkero, engkantador, manghuhula, at mga astrologo.