18 Habang nakikipag-usap siya sa akin, nawalan ako ng malay at napadapa sa lupa. Pero hinawakan niya ako at ibinangon.
19 Sinabi niya, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa hinaharap kapag ibinuhos na ng Dios ang kanyang galit, dahil naitakda na ang katapusan ng panahon.
20 Ang tupang may dalawang sungay ay ang kaharian ng Media at Persia.
21 Ang kambing naman ay ang kaharian ng Grecia, at ang malaking sungay sa gitna ng kanyang mga mata ay ang unang hari.
22 Ang apat na sungay na tumubo pagkatapos maputol ang unang sungay ay ang apat na kaharian ng Grecia nang magkahati-hati ito. Pero ang kanilang mga hari ay hindi magiging makapangyarihan na tulad noong una.
23 “Sa mga huling araw ng kanilang paghahari, sa panahong sukdulan na ang kanilang kasamaan, maghahari ang isang malupit at tusong hari.
24 Siyaʼy magiging makapangyarihan, pero hindi tulad ng haring nauna sa kanya. Magtataka ang mga tao sa gagawin niyang panlilipol, at magtatagumpay siya sa anumang gagawin niya. Lilipulin niya ang mga makapangyarihang tao at ang mga hinirang na mga mamamayan ng Dios.