13 Dumating sa amin ang parusang ito ayon sa nasusulat sa Kautusan ni Moises. Pero sa kabila nito, hindi namin sinikap na malugod kayo sa amin sa pamamagitan ng pagtalikod sa aming mga kasalanan at ang pagkilala sa inyong katotohanan.
14 Kaya handa kayong parusahan kami; at ginawa nʼyo nga dahil palagi kayong tama sa inyong mga ginagawa. Pero hindi pa rin kami sumunod sa inyo.
15 “Panginoon naming Dios, ipinakita nʼyo ang inyong kapangyarihan noong pinalaya ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto, at dahil dito ay naging tanyag kayo hanggang ngayon. Inaamin namin na kami ay nagkasala at gumawa ng kasamaan.
16 Kaya, Panginoon, ayon sa inyong ginagawang matuwid, nakikiusap ako na alisin nʼyo na ang inyong galit sa Jerusalem, ang inyong lungsod at banal na bundok. Dahil sa aming kasalanan at sa kasalanan ng aming mga ninuno, hinamak kami at ang Jerusalem ng mga taong nakapaligid sa amin.
17 “Kaya ngayon, O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panalangin at pagsamo. Alang-alang sa inyong pangalan, muli nʼyong itayo ang inyong templong nagiba at napabayaan.
18 O Dios, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin.
19 Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Dios sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”