18 O Dios, pakinggan nʼyo ako. Tingnan nʼyo ang nakakawa naming kalagayan at ang wasak nʼyong bayan, kung saan kinikilala ang iyong pangalan. Hindi kami dumadalangin sa dahilang kami ay matuwid, kundi dahil sa alam naming kayo ay mahabagin.
19 Panginoon, dinggin nʼyo po kami at patawarin. Tulungan nʼyo kami agad alang-alang sa inyong pangalan, dahil kayo ay kinikilalang Dios sa inyong bayan at ng inyong mga mamamayan.”
20 Patuloy akong nananalangin at sinasabi ang aking kasalanan at ang kasalanan ng aking mga kababayang Israelita. Nagmakaawa ako sa Panginoon kong Dios alang-alang sa kanyang banal na bundok.
21 At habang nananalangin ako, mabilis na lumipad papunta sa akin si Gabriel na nakita ko noon sa aking pangitain. Oras iyon ng panghapong paghahandog.
22 Pinaunawa niya sa akin at sinabi, “Daniel, naparito ako para ipaliwanag sa iyo ang tungkol sa pangitain.
23 Sa simula pa lamang ng iyong panalangin ay may ipinahayag na ang Dios, kung kayaʼt akoʼy pumarito para sabihin sa iyo, dahil mahal ka ng Dios. Kaya makinig ka at unawain ang sasabihin ko sa iyo.
24 “490 taon ang itinakda ng Dios sa banal na lungsod at sa mga kababayan mo para tigilan nila ang pagrerebelde sa Dios, para mapatawad ang kanilang kasalanan, para mapairal ng Dios ang walang hanggang katuwiran, para matupad ang pangitain at propesiya, at para maihandog na muli ang templo sa Dios.