1-2 Si Darius na taga-Media na anak ni Ahasuerus ang hari noon sa buong Babilonia. Noong unang taon ng paghahari niya, nalaman ko sa mga Kasulatan na mananatiling giba ang Jerusalem sa loob ng 70 taon, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias.
3 Dahil dito, lumapit ako sa Panginoong Dios at nanalangin. Nag-ayuno ako, nagdamit ng sako, at naglagay ng abo sa ulo.
4 Nanalangin ako sa Panginoon na aking Dios at humingi ng tawad para sa aming mga kasalanan:“Panginoon, kayo ay makapangyarihan at kahanga-hangang Dios. Tapat po kayo sa pagtupad ng inyong pangako na mamahalin nʼyo ang mga nagmamahal sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos.
5 Nagkasala kami sa inyo. Gumawa kami ng kasamaan at sumuway sa inyong mga utos at tuntunin.
6 Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na inutusan nʼyong makipag-usap sa aming hari, mga pinuno, matatanda at sa lahat ng taga-Israel.
7 “Panginoon, matuwid po kayo, pero kami ay kahiya-hiya pa rin hanggan ngayon. Gayon din ang lahat ng mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at ang lahat ng Israelita na pinangalat nʼyo sa malalapit at malalayong lugar dahil sa kanilang pagsuway sa inyo.