3 “Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at itatapon din kayo sa tapunan ng mga dumi.
4 Dapat ninyong malaman na binabalaan ko kayo upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi.
5 Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa.
6 Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Maayos ang kanyang relasyon sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.
7 “Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo ko kayo.
8 Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira nʼyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi.
9 Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”