5 Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa.
6 Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Maayos ang kanyang relasyon sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.
7 “Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo ko kayo.
8 Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira nʼyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi.
9 Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”
10 Sinabi ni Malakias sa mga Israelita: Hindi baʼt iisa ang ating ama? At iisang Dios ang lumalang sa atin? Bakit hindi tayo nagiging tapat sa isaʼt isa? Sa ginagawa nating ito, binabalewala natin ang kasunduan ng Dios sa ating mga ninuno.
11 Naging taksil ang mga taga-Juda. Gumawa sila ng kasuklam-suklam sa Jerusalem at sa buong bansa ng Israel. Sapagkat dinungisan nila ang templo na mahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakasal sa mga babaeng sumasamba sa ibang mga dios.