2 Ayaw ng Panginoong Dios na sumamba ang mga tao sa ibang mga dios. Galit siya sa kanyang mga kaaway at pinaghihigantihan niya sila.
3 Ang Panginoon ay hindi madaling magalit, ngunit dakila ang kanyang kapangyarihan at tiyak na parurusahan niya ang nagkasala. Kapag dumadaan siya, umuugong ang hangin at bumabagyo. Ang mga ulap ay parang alikabok sa kanyang mga paa.
4 Sa utos lamang niyaʼy natutuyo ang mga dagat at mga ilog. Nalalanta ang mga tanim sa Bashan, sa Bundok ng Carmel at sa Lebanon.
5 Nayayanig ang mundo sa kanyang presensya, pati na ang mga bundok at mga burol, at ang mga tao sa mundo ay nanginginig.
6 Sino ang makakatagal sa matinding galit ng Panginoon? Kapag siya ay nagalit, para siyang bumubuga ng apoy, at ang mga bato ay nabibiyak sa harap niya.
7 Ang Panginoon ay mabuti; matibay siyang kanlungan sa oras ng kagipitan, at inaalagaan niya ang nananalig sa kanya.
8 Para siyang rumaragasang baha na lubusang pupuksain ang kanyang mga kaaway. Tutugisin niya sila hanggang sa mamatay.