1 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios tungkol sa bansa ng Edom, na kanyang ipinahayag kay Obadias.Nabalitaan nating mga Israelita mula sa Panginoon, na nagsugo siya ng mensahero sa mga bansa upang hikayatin sila na salakayin ang bansa ng Edom.
2 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Makinig kayo! Gagawin ko kayong pinakamahina sa lahat ng bansa at hahamakin nila kayo.
3 Sinasabi ninyo na walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili.
4 Sapagkat kahit gawin ninyong kasintaas ng lipad ng agila ang inyong tirahan at paabutin pa ninyo sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
5 “Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nagtitira ng ilang bunga? Pero kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway.