10 “Dahil sa inyong pagmamalupit sa mga lahi ni Jacob, na inyong kalahi, malalagay kayo sa kahihiyan at lilipulin magpakailanman.
11 Pinabayaan lamang ninyo ang Jerusalem nang salakayin ng ibang bansa. Pinabayaan ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at paghahati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan. Kayoʼy tulad nila na mga kaaway ng Israel.
12 Hindi sana ninyo ikinatuwa ang panahon ng kapahamakan ng mga taga-Juda na inyong kalahi. Hindi sana kayo nagalak sa panahon ng kanilang pagkawasak. At hindi sana kayo nagmalaki sa panahon ng kanilang kahirapan.
13 Hindi dapat sana kayo pumasok sa lungsod ng aking mga mamamayan sa panahon ng kanilang kasawian at kumuha ng kanilang mga ari-arian. At hindi sana kayo natuwa sa panahon ng kanilang paghihirap.
14 Hindi sana kayo nag-abang sa mga sangang-daan upang patayin ang mga tumatakas mula sa Jerusalem. At hindi sana ninyo sila ibinigay sa mga kaaway sa panahon ng kanilang kasawian.
15 “Hindi sana ninyo ginawa iyon sa mga taga-Jerusalem, dahil malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa. At kung ano ang inyong ginawa sa iba, ganoon din ang gagawin sa inyo. Kung paano ang pagtrato nʼyo sa iba, ganoon din ang magiging pagtrato nila sa inyo.
16 Kung paanong pinarusahan ang aking mga mamamayan sa aking banal na bundok, parurusahan din ang lahat ng bansa. Matinding parusa ang ibibigay ko sa kanila hanggang malipol silang lahat.