2 Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Makinig kayo! Gagawin ko kayong pinakamahina sa lahat ng bansa at hahamakin nila kayo.
3 Sinasabi ninyo na walang makakapagpabagsak sa inyo dahil nakatira kayo sa lugar na mataas at mabato. Sa pagyayabang ninyong ito, dinadaya lamang ninyo ang inyong mga sarili.
4 Sapagkat kahit gawin ninyong kasintaas ng lipad ng agila ang inyong tirahan at paabutin pa ninyo sa mga bituin, ibabagsak ko pa rin kayo sa lupa. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
5 “Hindi baʼt kapag pinasok ng mga magnanakaw ang iyong bahay, ang kinukuha lamang nila ay ang kanilang magustuhan? At hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nagtitira ng ilang bunga? Pero kayong lahat ay lilipulin ng inyong mga kaaway.
6 Hahanapin nila at kukunin ang lahat ng kayamanan ng mga lahi ni Esau.
7 Lilinlangin kayo ng inyong kakamping mga bansa. Ang mga bansang nakipagkaibigan sa inyo ay siya ring sasalakay sa inyo, at palalayasin nila kayo sa bayan ninyo. Silang mga nakisalo sa inyo ang siya pang palihim na maglalagay ng bitag laban sa inyo.
8 Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi na sa araw ng paghatol ko sa inyo, lilipulin ko ang marurunong sa inyo. Mawawala ang karunungan sa Edom na tinatawag na Bundok ni Esau.