1 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarin ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos.
2 Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo.
3 Sa kabilang dako, ang nagpapahayag naman ng mensaheng mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin.
4 Ang sariling pamumuhay espirituwal ang pinapaunlad ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapaunlad ng nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos.