1 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarin ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos.
2 Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo.
3 Sa kabilang dako, ang nagpapahayag naman ng mensaheng mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin.
4 Ang sariling pamumuhay espirituwal ang pinapaunlad ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapaunlad ng nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos.
5 Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit higit na gusto kong kayo'y makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makatulong sa pag-unlad ng iglesya.