1 Akong si Pablo, na ang sabi ng ilan ay mapagpakumbabá at mabait kapag kaharap ninyo ngunit matapang kapag malayo, ay nakikiusap sa inyo, alang-alang sa kababaang-loob at kabutihan ni Cristo.
2 Ipinapakiusap kong huwag ninyo akong piliting magsalita nang mabigat, pagdating ko riyan, dahil kaya kong gawin iyon sa mga nagsasabing kami'y namumuhay ayon sa pamamaraan ng mundong ito.
3 Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito.
4 Ang sandatang ginamit namin sa pakikipaglaban ay hindi sandatang makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran,
5 ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo.
6 At kung lubusan na kayong sumusunod, nakahanda kaming parusahan ang lahat ng sumusuway.
7 Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung naniniwala ang sinuman na siya'y nakipag-isa kay Cristo, isipin niyang kami man, tulad niya, ay nakipag-isa rin kay Cristo.