2 Mga Taga-Corinto 7:5-11 MBB05

5 Nang kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa mga di-kaanib sa iglesya at takot naman na nasa aming puso.

6 Subalit ang mga naghihinagpis ay hindi pinababayaan ng Diyos; inaliw niya kami sa pagdating ni Tito.

7 Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang kabutihang ginawa ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak.

8 Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunti dahil sa aking sulat.

9 Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napasamâ dahil sa amin.

10 Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan.

11 Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos, naging masikap kayo at masigasig na ipakilalang kayo'y walang kasalanan tungkol sa mga bagay na iyon. Namuhi kayo sa inyong sarili; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang kinalaman sa mga bagay na iyon.