1 Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya sa Judea.
2 Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong.
3 Kaya't pinauna ko riyan ang mga kapatid na ito upang hindi kami mapahiya sa aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko.
4 Baka kami mapahiya, huwag nang sabihing pati kayo, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa.
5 Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.
6 Tandaan ninyo ito: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim naman ng marami ay aani ng marami.
7 Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan.