27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.”
28 At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.”
29 Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita,
30 ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan.
31 Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”
32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya.
33 Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil.