1 At tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala at siya'y nagpunta sa ibang lupain.
2 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte.
3 Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala.
4 Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga katiwala.
5 Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay.
6 Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang, ‘Igagalang nila ang aking anak.’