14 “Unawain ito ng bumabasa: Kapag nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan.
15 Ang nasa bubungan ay huwag nang magtangkang pumasok pa sa bahay upang kumuha ng anuman,
16 at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal.
17 Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso!
18 Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig,
19 sapagkat sa mga panahong iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan.
20 At kung hindi paiikliin ng Panginoon ang panahong iyon, walang sinuman ang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, paiikliin niya iyon.