1 Dalawang araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay.
2 “Huwag sa kapistahan at baka manggulo ang mga tao,” sabi nila.
3 Nasa Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong. Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus.
4 Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango?
5 Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae.
6 Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin.