22 Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.”
23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat.
24 Sinabi niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami.
25 Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na ako'y uminom ng bagong alak sa kaharian ng Diyos.”
26 Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
27 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’
28 Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”