17 Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya.
18 Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!”
19 Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran.
20 Matapos kutyain, siya'y hinubaran nila ng balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.
21 Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus.
22 Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.”
23 Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom.