29 Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw?
30 Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!”
31 Kinukutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili!
32 Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!”Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya.
33 Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon.
34 Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
35 Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!”