8 at pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdadala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag din kayong magdadala ng pagkain, bag, o pera.
9 Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdadala ng bihisan.”
10 Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon.
11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.”
12 Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan.
13 Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito.
14 Nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat bantog na bantog na ito. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala.