12 Tumugon siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap?
13 Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.”
14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila.
15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus.
16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?”
17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita.
18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”