5 Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo.
6 Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya.
7 Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos.
8 Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito.
9 Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao.
10 Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala.
11 Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu.