2 Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon.
3 Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong kasama, na tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo!
5 Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon.
6 Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
7 At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
8 Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.