1 Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus.
2 Ang lahat ng kapatid na naririto ay kasama kong bumabati sa mga iglesya sa Galacia:
3 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
4 Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili dahil sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito.
5 Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.