11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus.
12 Mabuti pa'y tuluyan nang magpakapon ang mga nanggugulo sa inyo at hindi lang magpatuli.
13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig.
14 Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”
15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mauubos kayo.
16 Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman.
17 Sapagkat ang mga nasa ng laman ay laban sa kalooban ng Espiritu, at ang kalooban ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito kaya't hindi ninyo magawâ ang nais ninyong gawin.