19 Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan;
20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa't isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi,
21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos.
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan,
23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito.
24 At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makasariling pagkatao, pati na ang mga masasamang hilig nito.
25 Kung ang Espiritu ang nagbibigay-buhay sa atin, siya na rin ang paghariin natin sa ating buhay.