16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na raw ang mga asnong hinahanap namin.” Ngunit hindi niya binanggit ang tungkol sa pagkahirang sa kanya bilang hari ng Israel.
17 Ang mga Israelita ay tinawag ni Samuel sa isang banal na pagpupulong sa Mizpa.
18 Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang nagpapahirap sa inyo.
19 Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.’”
20 Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagpalabunutan sila at nakuha ang lipi ni Benjamin.
21 Pinalapit naman niya ang mga angkan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Kish. Ngunit wala roon si Saul.
22 Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, “Pupunta po kaya siya rito?”Sumagot si Yahweh, “Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.”