34 Sabihin ninyo sa mga tao na magdala rito ng baka o tupa at dito nila papatayin at kakanin para hindi sila magkasala kay Yahweh dahil sa pagkain ng dugo.” Kinagabihan, ang mga Israelita'y nagdala ng mga baka at doon pinatay.
35 Si Saul nama'y nagtayo ng altar para kay Yahweh; ito ang unang altar na kanyang ginawa.
36 Sinabi ni Saul sa kanyang mga tauhan, “Mamayang gabi, lulusubin natin ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa mag-umaga; wala tayong ititirang buháy sa kanila.”Sumagot sila, “Kayo po ang masusunod.”Ngunit sinabi ng pari, “Sumangguni muna tayo sa Diyos.”
37 Sumangguni nga si Saul sa Diyos, “Lulusubin na po ba namin ang mga Filisteo? Pagtatagumpayin po ba ninyo kami?” Ngunit hindi siya sinagot ng Diyos.
38 Kaya't sinabi niya, “Magsama-sama ang lahat ng pinuno ng Israel para malaman natin kung sino ang nagkasala.
39 Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy at tagapagligtas ng Israel.” Walang umimik isa man sa mga Israelita.
40 Sinabi ni Saul, “Magsama-sama kayo sa isang panig at kami naman ni Jonatan sa kabila.”Sumagot ang mga tao, “Kayo po ang masusunod.”