17 Isang araw, inutusan ni Jesse si David, “Anak, dalhin mo agad itong limang salop ng sinangag na trigo at sampung tinapay sa iyong mga kapatid na nasa kampo.
18 Ibigay mo naman ang sampung hiwang kesong ito sa pinuno nila. Tingnan mo na rin ang kalagayan nila at ibalita mo sa akin. Mag-uwi ka ng kahit anong bagay na makapagpapatunay na galing ka nga roon.”
19 Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw pandigma.
21 Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo.
22 Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang mga kapatid.
23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David.