6 Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, pati ang tabak na nakasakbat sa kanyang balikat.
7 Ang hawakan ng sibat niya'y napakalaki at ang bakal naman na tulis nito ay tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan niya ang tagadala ng kanyang kalasag.
8 Sumigaw si Goliat sa mga Israelita, “Bakit nakahanay kayong lahat diyan para lumaban? Ako'y isang Filisteo at kayo nama'y mga alipin ni Saul. Pumili na lang kayo ng ilalaban sa akin.
9 Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat; ngunit kapag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin.
10 Hinahamon ko ngayon ang hukbo ng Israel. Pumili kayo ng ilalaban ninyo sa akin!”
11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nanghina ang kanilang loob at sila'y natakot.
12 Si David ay anak ni Jesse na isang Efratita mula sa Bethlehem, Juda. Nang panahong iyon, si Jesse ay mahina na dahil sa katandaan. Walo ang anak niyang lalaki; Si David ang pinakabata.