7 Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito.
8 Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at natalo niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buháy ay nagsitakas.
9 Minsan, muling nilukuban si Saul ng isang masamang espiritu mula kay Yahweh. Nakaupo si Saul noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa.
10 Walang anu-ano'y sinibat niya si David ngunit nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David.
11 Kinagabihan, pinabantayan ni Saul ang bahay ni David dahil balak niyang patayin ito kinabukasan. Kaya't sinabi ni Mical, “David, tumakas ka ngayong gabi, kung hindi'y papatayin ka nila bukas.”
12 At pinaraan niya ito sa bintana para makatakas.
13 Pagkatapos, kinuha ni Mical ang isang rebultong nasa bahay at siyang inihiga sa kanilang higaan. Ang ulo nito'y binalutan niya ng balahibo ng kambing, saka kinumutan.