20 Ang mag-asawang Elkana at Ana naman ay laging binabasbasan ni Eli. Sinasabi niya, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.” Matapos mabasbasan, umuuwi na sila.
21 Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh, at paglipas ng ilang taon siya'y nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki naman si Samuel sa paglilingkod kay Yahweh.
22 Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.
23 Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon?
24 Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo.
25 Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh.
26 Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.