22 Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.
23 Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon?
24 Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo.
25 Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh.
26 Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao.
27 Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto.
28 Sa mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan.