14 Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa.
15 Kung ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway,
16 huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.”
17 Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili.
18 At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan.
19 Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato.
20 Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo.