12 Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan nito ng inumin, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising sapagkat niloob ni Yahweh na makatulog sila ng mahimbing. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.
13 Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar.
14 Sinigawan niya si Abner, “Abner, naririnig mo ba ako?” Ang sigaw niya'y dinig ng buong hukbo.Sumagot si Abner, “Sino kang nambubulahaw sa hari?”
15 Sumagot naman si David, “Di ba't ikaw ang pinakamagaling na lalaki sa Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? May nakapasok diyan upang patayin ang hari ngunit hindi mo man lamang namalayan.
16 Nagpabaya ka sa iyong tungkulin. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, dapat kang mamatay sapagkat hindi mo binantayang mabuti ang haring pinili ni Yahweh. Nasaan ang sibat at ang lalagyan ng tubig ng hari?”
17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David. “David, anak ko, ikaw ba iyan?” tanong niya.“Ako nga po, mahal kong hari,” sagot ni David.
18 Sinabi pa niya, “Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan?