17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David. “David, anak ko, ikaw ba iyan?” tanong niya.“Ako nga po, mahal kong hari,” sagot ni David.
18 Sinabi pa niya, “Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan?
19 Isinasamo ko, mahal na hari, pakinggan po sana ninyo ang aking sasabihin. Kung si Yahweh po ang may gusto na ako'y usigin ninyo, maghandog po kayo sa kanya para mabago ang kanyang pasya. Kung tao naman po ang may udyok nito, sumpain nawa siya ni Yahweh. Dahil sa ginagawa nilang ito, napalayo ako sa bayan ni Yahweh at napadpad sa lupaing diyus-diyosan lamang ang maaari kong sambahin.
20 Huwag ninyo sanang hayaang mapatay ako sa ibang lupain, at malayo kay Yahweh. Bakit ako, na pulgas lamang ang katulad ay gustong patayin ng hari? Bakit kailangan pa niya akong habulin na parang isang mailap na ibon?”
21 Sinabi ni Saul, “Nagkamali nga ako, David, aking anak. Magbalik ka na at hindi na kita gagawan ng masama sapagkat sa araw na ito'y hindi mo na naman ako pinatay. Naging hangal ako! Napakalaki ng kasalanan ko!”
22 Sumagot si David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan.
23 Ang taong tapat at matuwid ay ginagantimpalaan ni Yahweh. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh.